Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-diskwalipika ang tatlong abogado ng drug war victims.
Sa siyam na pahinang redacted version ng desisyon na isinapubliko ngayong Biyernes, Pebrero 20, sinabi ng chamber na nabigo ang mga argumento ng depensa na ipakitang may conflict of interest sa parte ng mga abogadong sina Atty. Joel Butuyan at Atty. Gilbert Andres, sa ilalim ng article 16 ng Rome Statute.
Matatandaan, humiling rin ang legal team ng dating Pangulo noong Pebrero 11 sa Chamber para atasan ang ICC Registry na suspendihin ang access nina Atty. Butuyan, Atty. Andres kasama si Atty. Nicolene Arciana sa rekord ng kaso habang nakabinbin ang desisyon.
Naging batayan ng depensa para hilingin ang diskwalipikasyon ng tatlong legal representatives ang umano’y “impediment to representation” bunsod ng conflict of interest, sa kadahilanang mayroon umanong propesyunal na ugnayan sina Butuyan at Andres kay Arcaina, na nagbibigay umano ng impresyon na pagkiling na maaaring makaapekto sa integridad ng isasagawang mga paglilitis.
















