-- Advertisements --

Nagbabala ang Iran na magiging “lehitimong targets” nito ang US bases, mga pasilidad at assets sakaling umatake ang Amerika.

Ito ay sa gitna ng ibinigay na palugit ni US President Donald Trump sa Iran na 10 hanggang 15 araw para magkaroon ng nuclear deal.

Ginawa ni Iranian Ambassador to the United Nations Amir Saeid ang matapang na pahayag sa isang sulat na ipinadala kay UN Secretary General Antonio Guterres at Security Council president.

Binanggit sa sulat ang isang social media post ni Trump noong Miyerkules, kung saan sinabi niyang posibleng kailanganin ng US ang mga base militar ng UK, kabilang ang isa na nasa Indian Ocean Island, sakaling hindi makipagkasundo ang Iran.

Ayon sa Iran Ambassador, ang ganitong pahayag ng US President ay nagpapahiwatig ng tunay na panganib ng military aggression, na ang resulta ay nakakapinsala para sa rehiyon at maaaring magdulot ng matinding banta sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Nauna na ngang napaulat na naghahanda na ang Amerika na maglunsad ng strike sa Iran sa gitna ng pagpapadala ni Trump ng warships, fighter jets at iba pang military force sa Middle East upang mapigilan ang Iran mula sa paggawa ng nuclear bomb, bagay na itinatanggi ng panig ng Tehran.