Kinondena ng dalawang lider ng Kamara si Vice President Sara Duterte dahil sa paggamit nito ng salitang “bobo” bilang tugon sa mga tanong ukol sa kanyang madalas na biyahe sa ibang bansa.
Ayon kina House Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto hindi nararapat sa isang lider ng bansa ang ganitong pananalita at sinisira nito ang pamantayan ng pagiging isang opisyal ng gobyerno.
Iginiit ni Dionisio na inaasahang maging huwaran ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa kabataan.
Binigyang-diin niya si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. bilang halimbawa ng isang lider na patuloy na nagpapakita ng hinahon sa kabila ng mga batikos.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Adiong hinggil sa asal at prayoridad ng Pangalawang Pangulo, lalo na kaugnay ng paulit-ulit nitong pagbiyahe sa labas ng bansa.
Bagamat hindi na siya nagulat sa naging pahayag ni Duterte, binigyang-diin ni Adiong na dapat ay mas mataas ang pamantayan sa diskurso ng mga opisyal ng gobyerno.
Pinaliwanag niya na ang mga salita ng Pangalawang Pangulo ay hindi lamang repleksyon ng kanyang pagkatao kundi ng opisina na kanyang kinakatawan.
Hinimok niya ang mga opisyal ng pamahalaan na ituon ang pansin sa esensya ng mga usapin kaysa sa mga insulto.















