Nirerepaso na ng Senate Committee on Ethics ang sarili nitong rules para masimulan ang pagdinig laban sa mga inirereklamong senador sa lalong madaling panahon.
Maalalang unang sinabi ni committee chairman, Sen. JV Ejercito na hindi masimulan ang pagdinig dahil hindi pa nakukumpleto ang mga miyembrong bumubuo ng naturang komite, ngunit sa pagbabalik-sesyon ng Senado nitong Enero-26 ay tuluyan nang napunan ang mga bakanteng posisyon.
Ayon kay Ejercito, inaaral na nila ang rules na dati nang ginagamit ng 19th Congress at target na maipresenta ito sa susunod na lingo para sa organizational meeting ng naturang komite.
Dito ay pagdedesisyunan ng buong komite ang mga gagamiting panuntunan, at aaralin ang mga nakabinbing reklamo.
Susuriin aniya ng komite kung saan sa mga reklamo ang may sapat na grounds, para tuluyang pagdesyunan ng mga mambabatas, kabilang dito ang kontrobersyal na reklamong inihain laban kay dating Senate President Chiz Escudero.
Kabilang sa mga miyembro ng majority na magiging bahagi ng komite ay sina Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Erwin Tulfo, habang pangungunahan naman ni Sen. Rodante Marcoleta ang mga kinatawan ng majority bloc.
Maalalang maging si Ejercity na chairman mismo ng komite, ay sinampahan din ng ethics complaint dahil sa hindi agad pag-aksyon sa reklamong inihain kay Sen. Escudero.
Sagot naman ni Ejercito, hindi niya ma-aksyunan ang naturang reklamo dahil hindi pa nabubuo ang kaniyang komite, dahil sa sunod-sunod na budget hearing nitong huling bahagi ng 2025.
















