-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa law enforcement authorities ang pagtugon sa impormasyon kung nasa Sweden si dating Congressman Zaldy Co.

Sa isang panayam, sinabi ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na ang naturang usapin ay isang law enforcement matter kayat mas mainam na tanungin ang mga awtoridad hinggil dito.

Ipinaliwanag din ng kalihim na hindi na niya kailangan pang makipag-usap sa Sweden dahil maliwanag na sa dokumento ang nilalaman nito.

Ang tinutukoy na dokumento ng DFA Chief ay ang certiorari petition na inihain ni Co laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Nakalakip dito ang isang notaryo, kung saan nabanggit na personal na humarap si Co noong Enero 15 sa notary public na si Beatrice Gustafsson sa Stockholm, Sweden.

Taliwas naman ito sa inisyal na impormasyon na posibleng nasa Portugal si Co dahil mayroon umano itong Portuguese passport na posibleng matagal na niyang nakuha.