-- Advertisements --

Naabisuhan na si Senate Committee on Ethics Chairman Senador JV Ejercito, hinggil sa inihaing ethics complaint ng isang private lawyer na si Atty. Eldrige Marvin Aceron laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pagtanggap ni Escudero ng campaign donation mula sa isang kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Batay sa inihaing reklamo, iginiit ni Aceron na nilabag umano ni Escudero ang pamantayan ng integridad bilang isang mambabatas matapos tumanggap ng malaking donasyon mula sa may-ari ng kontratistang nakakuha kalaunan ng bilyon-bilyong pisong proyekto mula sa gobyerno.

Ayon kay Ejercito, tatalakayin ng komite kung anong nararapat na aksyon ang kanilang gagawin kaugnay ng reklamo. 

Gayunman, kanyang idinagdag na tinitimbang pa rin niya ang susunod na hakbang dahil nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Samantala, bumwelta si Senador Escudero at iginiit na pulitikal ang motibo ng reklamo laban sa kanya at hindi usapin ng ethics.

Dagdag pa niya, hindi na siya nagulat dahil kabayaran lamang ito sa pagbanggit niya sa pangalan ni Cong. Martin Romualdez at sa pagbubunyag ng katotohanan.

Nanindigan si Escudero na ang inihaing reklamo laban sa kanya ay bahagi lamang ng isang “script” — isang desperadong panlilinlang.