Mariing tinutulan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang panukalang buwagin ang ahensya, kasunod ng mga mungkahing reporma upang masugpo ang korapsyon.
Ayon sa BIR, ang pag-abolish sa kanila ay makakapinsala sa serbisyo ng publiko na nakadepende sa pag-popondo ng gobyerno.
Ang pahayag ng ahenya ay kasunod ng ilang panawagan na buuin muli ang ahensya sa simula gayundin ang pagbuwag sa ilang structural reform nito, kabilang ang full automation.
Depensa ni BIR spokesperson Briana Kay Delos Santos, tama ang hakbang ni bagong BIR Commissioner Charlito Mendoza na pansamantalang suspendihin ang pag-isyu ng Letters of Authority (LOAs) dahil sa alegasyong ginagamit ito para manghingi ng kickback.
Sinabi niyang kailangan ng panahon upang repasuhin ang audit program at tiyaking hindi naaabuso ang mga LOA.
Dagdag pa niya, kabilang sa pinakamalaking hamon sa BIR ang digitalization, na dapat pabilisin upang mabawasan ang discretionary audits na madaling maabuso.
Ayon naman kay Sen. JV Ejercito na nakarating sa kanyang opisina ang mga ulat na may ilang revenue officers at regional directors na sangkot umano sa kickback scheme.
Ang LOA kasi ay opisyal na dokumento na nagbibigay-karapatan sa BIR na magsagawa ng audit sa isang taxpayer o business industry.
















