Iginiit ni Sen. Juan Miguel Zubiri na dapat sumailalim sa drug test ang lahat ng senador upang mawala ang hinala ng publiko na may gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa Senado.
Para kay Zubiri, ang hamon niya ay para mawala ang duda na may senador na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ginawa ng mambabatas ang hakbang na ito matapos ang kontrobersyal na isyung may gumagamit ng droga sa Senado.
Bilang tugon, sinabi ni Zubiri na sumailalim na siya sa drug test, kasabay ng paghahain ng resolusyon na humihikayat sa mandatory drug testing para sa mga opisyal ng pamahalaan.
Idaraos ang pagpapa-drug test sa araw ng Lunes.
Binigyang-diin ng senador na kung ang mga aplikante sa mababang posisyon ay kailangang magpakita ng negatibong resulta sa drug test, mas nararapat na gawin din ito ng mga nasa mataas na posisyon sa gobyerno.
“Kaya kailangan magdrug test kami lahat, pero follow the leader. Kaya dapat, mauna po ako. And willing din po akong mag-hair follicle test para sa ganun eh walang duda, na alam ko din na sa opisina ni Migz Zubiri eh walang nagdro-droga doon,” wika ni Zubiri.
Naging mainit din ang usapin ng drug sa hanay ng mga staff sa Senado dahil sa pagkakakaladkad ng pangalan ng isang dating artista na tauhan ng senador, dahil sa hinalang gumamit ito ng marijuana sa comfort room ng Senado.
Nagpahayag naman si Zubiri ng suporta sa paglalaan ng pondo para sa mga pampublikong ospital upang mapabilis ang drug testing at maiwasan ang mga pribadong testing centers na umano’y madaling suhulan para maglabas ng pekeng resulta.