-- Advertisements --

Pinuna ni Senador Rodante Marcoleta kung epektibo ang mga pangunahing programa ng DSWD, kabilang ang 4Ps, social pension, at livelihood assistance na umaabot sa P212.5 bilyon sa 2026, dahil marami pa rin ang nananatiling mahirap at nakakaranas ng gutom.

Iminungkahi ni Marcoleta na pag-aralan ang modelo ng Tsina sa anti-kahirapan, na nakatulong na maiahon sa kahirapan ang 800 milyon katao sa loob ng 40 taon, gamit ang pagbubukas ng oportunidad sa ekonomiya at nakatutok na suporta sa pamilyang disadvantaged.

Bilang lokal na hakbang, iminungkahi niya ang subsidiya sa kuryente para sa mababang-kitang pamilya upang mailaan ang natipid sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kinilala ni Senador Pia Cayetano ang mga alalahanin at sinabi na sinusuri ng DSWD ang bisa ng programa.

Binigyang-diin ni Marcoleta na ang tunay na solusyon sa kahirapan ay hindi lamang tulong-pinansyal kundi ang pagpapataas ng kita at pangmatagalang katatagan ng pamilya. (report by Bombo Jai)