Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang pamamaril ng hindi pa kilalang salarin sa Remate reporter na si Jupiter Gonzales at kasamahan nitong si Christopher Tiongson.

Ayon kay Police Lt. Col. Dale Soliba, hepe ng Arayat, Pampanga Municipal Police Station, patungo sana sa Olongapo road sina Gonzales at Tiongson nang pagbabarilin ng mga suspek bandang alas-10:30 ng gabi.

Inaalam na kung may kinalaman sa trabaho ang nangyaring pagpatay kay Gonzales at malubhang pinsala naman kay Tiongson.

Kinondena naman ni Presidential Task Force on Media Security Executive Dir. Joel Sy Egco ang naturang pangyayari at tiniyak ang pagtutok sa kaso upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng nasawing mamamahayag.