-- Advertisements --

Dapat ituon ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pagkakaroon ng pananagutan at huwag hayaan na malunod ito sa teknikalidad, upang mabigyan ng kasagutan ang mga tanong ng taumbayan.

Ito ang inihayag ni Tingog Partylist Rep. Jude Acidre at sinabing ang mga isyung teknikal na inihain ng Senate impeachment court gaya ng pangangailangan ng sertipikasyon mula sa 20th Congress ay maaaring sanang pag-usapan na lang sa mismong paglilitis at hindi bago pa ito magsimula.

Nagbabala si Acidre na ang tunay na talo sa pagkabalam na ito at pagtatalong teknikal ay ang publiko na naghihintay na mabigyang linaw ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo at sa mga banta nito laban sa mga mataas na opisyal ng pamahalaan.

Ayon kay Acidre, ang mga mahahalagang katanungan ay hindi tungkol sa pulitika kundi sa katotohanan at katarungan.

Dagdag pa niya, ang mga seryosong alegasyon gaya ng umano’y banta ng Pangalawang Pangulo na ipapatay ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ang Speaker ng Kamara ay nararapat lamang harapin sa isang patas na paglilitis at hindi dapat iwasan gamit ang mga teknikalidad.

Pinaalalahanan niya ang lahat ng panig sa naturang proseso na ang layunin ng impeachment ay pananagutan, at hindi harangin ito.

Iginiit pa ni Acidre na naisagawa na ang prosesong nakasaad sa Konstitusyon, at inimpeach na ng Kamara si VP Duterte noong 19th Congress.

Bagamat ayaw Pangunahan ang magiging hakbang ng 20th Congress, na magsisimula sa Hulyo 28, kumpiyansa si Acidre na magpapatuloy ang proseso lalo na kung muling mahalal si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker.

Idinagdag pa niya na ang napakaraming mambabatas na nagbabalik sa Kongreso at sumuporta sa impeachment na karamihan ay sumusuporta rin kay Romualdez bilang Speaker ay tanda ng pagpapatuloy ng kanilang adhikain.