-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur upang makilala ang mga responsable at matumbok ang motibo sa pagnanambang kay Mayor Ronito Martizano dakong alas- 4:40 kahapon ng hapon, sa Barangay Dughanon.

Ayon kay Ron Balaba, media liaison officer ng Barobo Local Government Unit, sakay sa Hi-Ace van ang mayor at kanyang closed-in body guards, iilang mga empleyado ng munisipyo at sibilyan, nang sila’y harangan sa daan ng mga armadong sakay sa isang dirty white na kotse at isang motorsiklo sabay baril gamit ang kalibre 45 na pistola at long firearms ngunit mabilis na na-maneuver ng driver ang kanilang sasakyan at tuluyang pumalayo.

Napag-alamang pauwi na sana ang alkalde mula sa inspeksyon sa Panaraga Resort na planong muling bubuksan ngayong Sabado at ayon kay Balaba, tanging natamaan lang ay ang mayor sa kanyang balikat pati ang kanyang escort na isang retiradong scout ranger.

Isinailalim sa operasyon ang alkalde at stable na ang kanyang kondisyon, habang kritikal naman ang kalagayan ng kanyang bodyguard.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na may kaugnayan ang insidente sa pagpasara ng illegal large-scale mining site sa Barangay Tambis na umano’y pinatatakbo ng mga Chinese, gayundin ang anggulo pulitika dahil sa kanyang pagkapanalo laban sa isang kontrobersyal at mayamang kalaban.

Isiniwalat din na nakatanggap na ng death threats ang alkalde matapos niyang ipasara ang ilegal na minahan.