Isinasailalim ngayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa South Korea ang pagkamatay ng isang sanggol na ipinanganak nang wala sa oras sa isang Jeju Air flight mula Clark, Pampanga patungong Incheon.
Ayon sa mga ulat ng Korea JoongAng Daily at Yonhap News Agency, ipinanganak ang sanggol na lalaki sa gitna ng biyahe noong Linggo ng umaga, ngunit natagpuang hindi na humihinga. Kaagad siyang isinugod sa ospital matapos ang emergency landing, subalit idineklarang patay na.
Samantala kinilala ang ina bilang isang Filipina na nasa edad 30, na kasama sa biyahe ang kanyang asawa, biyenan, at anak na babae, ayon sa Korea Herald.
Ayon sa pulisya, may hurisdiksyon sila sa kaso dahil nangyari ito sa loob ng eroplano na rehistrado at may watawat ng South Korea.
Patuloy ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang mga kalagayan ng kapanganakan at pagkamatay ng sanggol.