Hindi ininda ng mga nagproprotestang human rights activists ang pag-ulan ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 3 na nagtungo sa Department of Justice (DOJ) para ipaabot ang kanilang panawagan na buwagin na ang Anti-Terrorism Act (ATA) at Terrorism Financing Prevention and Supression Act.
Ginawa ng rights groups ang protesta kasabay ng pagmarka ng ika-limang taon ng ATA na nilagdaan noong Hulyo 3, 2020 sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hiniling ng grupong Karapatan na matigil na ang pag-uusig, pag-weaponize sa nasabing mga batas at agarang pagpapawalang bisa sa tinawag nilang draconian laws.
Ayon sa grupo, nagbabanta ang nasabing mga batas sa kalayaan ng pagpapahayag, kalayaan ng mga samahan at karapatan para sa due process.
Ginagawang lehitimo din aniya ng naturang mga batas ang political persecution sa pagpapanggap na pagprotekta sa pambansang seguridad.
Saad pa ng grupo na sa pagtarget sa mga aktibista, community organizers, mga mamamahayag at iba pa, walang silbi aniya ang naturang mga batas kundi mga kasangkapan lamang sa paglabag sa mga karapatan, panghaharass at pagred-tag sa mga nagsasalita laban sa injustice o kawalan ng katarungan.
Base sa case monitoring ng grupo, nasa 227 indibidwal ang nakasuhan ng paglabag sa ATA, habang 34 na katao naman ang iniuring terorista ng Anti-Terrorism Council.
Samantala, inihayag naman ni National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) chair Edre Olalia na bigo ang naturang batas na makamit ang layunin nito na labanan ang terorismo sa bansa.
Inihalimbawa ni Olalia ang mga nakasuhang mga aktibista lalo na sa mga probinsiya ng paglabag sa terrorism law gamit ang hindi totoo at nagsinungaling na mga testigo na nagsasabing ang mga naturang aktibista ay parte umano ng armed group ng New People’s Army (NPA).
Kayat nakikita anila bilang napaka-mapanganib na batas ang ATA na napatunayan na.