-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang 4,771 indibidwal ang inilikas sa lungsod ng Cebu, as of 6am ngayong araw, Nobyembre 25, dahil sa bagyong Verbena.

Katumbas ito ng 1,248 na pamilya na pansamantalang nanuluyan sa 57 evacuation centers sa lungsod.

Sa nasabing bilang, 2,773 indibidwal ang mula sa norte habang 1,998 indibidwal mula sa south.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bagama’t nakalayo na ang Tropical Depression Verbena, nananatiling naka-full alert ang mga awtoridad.

Nakararanas pa rin ng banayad hanggang katamtamang pag-ulan, ngunit wala namang naitalang malaking insidente sa magdamag at walang naiulat na casualty.

Nitong umaga, nananatili pa ring kanselado ang ilang biyaheng-pandagat sa Central Visayas dahil sa epekto ng sama ng panahon at para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.

Samantala, sa exclusive interview ng Star FM Cebu kay Joseph Merlas, weather specialist ng PAGASA Visayas, sinabi nitong base sa extended forecast ng ahensiya ay wala nang inaasahang bagyong papasok pa sa nalalabing araw ng Nobyembre.

Gayunman, binanggit ni Merlas na may mga cloud clusters na posibleng mabuo bilang Low Pressure Area (LPA) sa unang dalawang linggo ng Disyembre.

Habang nasa loob pa ng PAR ang bagyong Verbena, nagpaalala naman dito sa publiko na i-monitor ang lagay ng panahon, sundin ang abiso ng disaster office at lokal na pamahalaan, at makinig sa mga pinakahuling balita.