Inalmahan nina Jasmine Curtis-Smith at ng kanyang ina, si Carmen Curtis, ang bastos na pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay tungkol kay Anne Curtis, na kanyang binanggit sa House hearing kaugnay ng impeachment case ni VP Sara Duterte.
Ayon kay Jasmine, ang insidente ay hindi lamang tungkol sa isang celebrity, kundi sumasalamin sa patuloy na pagtrato sa kababaihan bilang “objects” sa lipunang dominado ng kalalakihan. Aniya, tungkulin ng mga opisyal na itaas ang antas ng diskurso at hindi ito ibaba.
Pinuna rin ng House Justice Committee ang naturang pahayag, habang hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si Suntay na humingi ng buong paumanhin at kumilos nang may dignidad, alinsunod sa kanyang posisyon.
Samantala, humingi ng paumanhin si Suntay matapos mabatikos ang kanyang pahayag tungkol kay Anne Curtis, ngunit iginiit niyang “walang masamang intensyon” sa ginamit niyang analogy.
Ayon sa kanya, isang “fictitious situation” lamang ang kanyang ginamit upang ipakita kung paano madalas na naiiinterpret ang mga pahayag sa maling konteksto.
Nagsisisi aniya siya kung may nasaktan, lalo na ang mga kababaihan, at binigyang-diin na wala siyang masamang hangarin sa kanyang sinabi.
Pinuna si Suntay matapos niyang banggitin ang pangalan ng aktres habang ipinagtatanggol ang “designated survivor” remark ni VP Sara Duterte sa House hearing.
















