-- Advertisements --

Tiwala ang Department of Justice na hindi maapektuhan ang kagawaran matapos idawit ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang isang opisyal nito sa isyu ng korapsyon.

Ayon kay Justice Acting Secretary Fredderick A. Vida, wala itong magiging epekto kahit pa pinangalanan ni Co si Undersecretary Jojo Cadiz sangkot sa flood control scandal.

Sa inilabas kasing ‘online video’ ng dating kongresista ay kanyang isiniwalat na ang opisyal ay kanyang binigyan umano ng pera para dalhin sa bahay mismo ng pangulo.

Ngunit naniniwala si Acting Secretary Fredderick Vida, na walang kinalaman si Justice Undersecretary Cadiz lalo na sa operasyon ng kagawaran patungkol sa flood control investigation.

Paliwanag pa ni Justice Acting Sec. Vida na si Undersecretary Jojo Cadiz ay hindi kasama sa mga opisyal na siyang itinalaga para tutukan ang ‘vetting process’ ng mga dumarating na testigo.

Kung kaya’t giit ng kalihim na hindi apektado ang kredibilidad ng kagawaran sapagkat wala naman itong partisipasyon sa imbestigasyon.

Mananatili pa rin aniya bilang undersecretary ng kagawaran sa kabila ng mga alegasyon at paratang ng dating mambabatas.