-- Advertisements --

Pumalo na sa higit walong bilyong piso ang kasalukuyang hinahabol ngayong buwis ng Bureau of Internal Revenue kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Ayon mismo kay Internal Revenue Commissioner Charlito Martin Mendoza, aabot sa 8.8 billion pesos ang sumatotal ng tax liabilities ukol sa kontrobersiya.

Ito’y kasunod nang pormal maihain ng kawanihan ang ika-labing dalawa reklamong kriminal sa Department of Justice laban sa mga sangkot na indibidwal.

Kung kaya’t aniya’y asahan na hindi ito ang panghuli bagkus masusundan pa ng mga panibagong kaso sa kanilang patuloy na pag-iimbestiga.

Ngayong araw kasi ay kanilang sinampahan ng reklamong ‘tax evasion’ at pagsusumite ng hindi tamang impormasyon o tax report ang SYMS Construction Trading at IM Construction Corporation.

Kabilang sa kanilang pinakakasuhan ay ang proprietor o may-ari ng kumpanyang SYMS Construction na si Sally Santos.

Ayon kay Comm. Mendoza, nag-ugat ang reklamo sa pagkakadiskubre na ang naigawad na milyun-milyon halaga ng proyekto sa mga ito ay ‘ghost projects’ lamang.

Naniniwala ang Bureau of Internal Revenue na kung wala namang nagawang proyekto o ‘ghost project’, tiyak aniya’y peke o ‘fictitous’ lamang ang isinumiteng ‘tax declarations’.

Posibleng kaharapin ng mga inirereklamong sangkot sa pagtakas ng pagbabayad ng kaukalang buwis ang pagkakakulong ng aabot sa sampung taon.

Bukod sa pinababayaran buwis, sila’y pinatawan din ng multang 500,000 piso.