Siniguro ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi sila magpapaimpluwensya sa ginagawang imbestigasyon kaugnay ng flood control scandal.
Sa isang exclusive interview sa Bombo Radyo, sinabi ni Remulla na may ilang kaibigan siyang kabilang sa mga inaakusahan, ngunit higit umanong matimbang ang kapakanan ng bansa kaysa sa personal na ugnayan.
Magugunitang una na niyang isinapubliko na tinawagan siya ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang magpaliwanag sa isyu ng budget insertions.
Gayunman, iginiit ng Ombudsman na naka-focus lamang sila sa layunin ng pagsisiyasat at masasampahan pa rin ng reklamo ang sinumang tunay na may kaugnayan sa katiwalian.
Bukod sa dating House Speaker, may iba pa umanong nagtatangkang makipag-usap sa kaniya.
Ayon kay Remulla, ilan sa mga ito ay personal niyang kakilala, kamag-anak ng kaibigan, o kasamahan ng kakilala.
Pagtitiyak niya, sa ebidensya lamang ibabatay ang kanilang aksyon at hindi sa anumang pakiusap ng sinumang personalidad.
















