-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue na hindi mahihinto ang kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon mismo kay Comm. Charlito Martin Mendoza, patuloy pa rin nilang iimbestigahan ang mga kumpanyang posibleng dawit rin sa kontrebersiya.

Masusi aniyang titingnan ng kawanihan ang mga ito na maaring tinakasan rin ang tamang pagbabayad ng kaukulang buwis.

Ito’y kasunod nang kanilang ihain ang ika-12 reklamong kriminal sa Department of Justice kontra mga indibidwal sangkot sa flood control scandal.

Kung kaya’t ani Comm. Mendoza, makaseseguro umano ang publiko na ang lahat ng hinihinalang dawit ay kanilang hindi isasantabi bagkus ay sisilipin.

Pati iba pang proyekto ng mga kumpanyang SYMS Construction Trading at IM Construction Corporation ay iimbestigahan para makita kung mayroon pang paglabag sa batas.

Ayon sa kawanihan, aabot sa higit walong bilyon piso ang hinahabol kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects ng pamahalaan.