-- Advertisements --

Aminado ang Department of Justice na walang epekto ang kanselasyon ng pasaporte ni Atty. Harry Roque sa umano’y nakabinbin pa nitong ‘asylum application’ sa Europa.

Ayon mismo sa paliwanag ni Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan, walang kinalaman at hindi batayan ang naturang kanselasyon para makaapektuhan ang aplikasyon makakuha ng asylum ang dating presidential spokesperson ni former President Rodrigo Duterte.

Giit niya’y ang pagkakaroon o hindi man ng pasaporte ay ‘irrelevant’ sa determinasyon kung maigagawad kay Atty. Harry Roque ang kahilingan niyang asylum.

Tanging batayan lamang raw dito ay kung may katotohanan ang sinasabing ‘political persecution’ nararanasan ng naturang abogado sa bansang Pilipinas.

Ngunit naniniwala si Chief State Counsel Chan na wala umano itong basehan kundi tumatakas lamang raw si Atty. Roque sa prosekusyon.

Kung kaya’t ani Justice Acting Secretary Fredderick Vida na ipinauubaya na nila sa bansang hinilingan ni Roque ng asylum ang siyang magresolba sa naturang isyu.

Habang ibinahagi naman ni Undersecretary Nicholas Felix L. Ty na sa kasalukuyan ay hindi pa rin nila matiyak ang ‘status’ ng asylum application ni Atty. Harry Roque.

Ngunit kung sakali aniyang may ‘red notice’ na mula sa International Criminal Police Organization o Interpol, hindi na ito saklaw ng kagawaran.

Bagkus nasa bansang may hawak ng ‘asylum application’ ni Atty. Harry Roque ang siyang magdedesisyon kung kikilalanin ang ‘non-refoulement principle’ o ang hindi pagpayag na maibalik muli ng Pilipinas ang kustodiya sa akusado.

Ayon kay Justice Acting Secretary Fredderick Vida, mayroon ng ‘pending application’ sa Interpol para mailagay o maisyu na ang ‘red notice’ laban kay Atty. Harry Roque.

Isa si Atty. Harry Roque sa mga akusadong kumakaharap sa kasong qualified human trafficking kaugnay sa operasyon ng ilegal na POGO o Philippine Offshore Gaming Operations sa Porac, Pampanga.