-- Advertisements --

Tiwala ang Department of Justice (DOJ) na bubusisiing mabuti ng Austria ang asylum request ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa isang panayam, sinabi ni Chief State Counsel Dennis Chan na may sariling proseso ang naturang European country sa pagsasagawa ng pagsusuri, research, at validation sa claims ng bawat asylum applicant.

Buo aniya ang tiwala ng DOJ na aaralin ng naturang bansa ang lahat ng impormasyong isinumite ni Roque at hindi lamang basta pagbibigyan ang kaniyang petisyon o kahilingan.

Kampante rin ang opisyal, na igagalang ng Austria ang integridad ng asylum process ng Pilipinas, at ikukunsidera ito sa pagsusuri sa kaso ni Roque.

Unang naghain ng applikasyon si Rooque sa Netherlands ngunit paliwanag ng dating kalihim, sinabihan siya ng Dutch authorities na ang Austrian government dapat ang magbigay sa kaniya ng asylum dahil ito ang nagbigay sa kaniya ng visa.

Maalalang hiniling ng Philippine government sa International Criminal Police Organization (Interpol) na maglabas ng red notice laban sa puganteng dating kalihim kasunod ng paglabas ng warrant laban sa kaniya.

Una na ring nakansela ang kaniyang pasaporte.

Ayon kay Roque, kasalukuyan pa rin siyang nasa Netherlands.