-- Advertisements --

Nanindigan si Atty. Gilbert Andres na magdudulot ng banta sa seguridad ng mga biktima ng drug war kung papaburan ang kahilingan ni dating Pang. Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya mula sa pagkakadetene.

Giit ng abogado, kung mangyayari ito ay mistulang patay na ang kaso laban kay Duterte.

Nais aniya ng mga biktima na makita ang dating pangulo na nakapiit lamang sa International Criminal Court (ICC) Detention Facility at kung gagawaran man siya ng pansamantalang paglaya ay tiyak na panibagong dagok ito sa mga biktima.

Tinukoy ni Andres ang mga nangyayari sa kasalukuyan na inaatake ang mga pamilya ng mga biktima sa iba’t-ibang forum, lalo na sa social media.

Kung makakalaya man ang dating pangulo, tiyak aniyang magbabago ang domestic political scene sa Pilipinas at lalo lamang tataas ang antas ng mga pag-atake sa mga komukuntra sa mga ginawa ng Duterte Administration, lalo na aniya, at nananatili pa rin ang malawak na impluwensiya ng dating pangulo.

Paliwanag ng abogado, lahat ng ito ay nailahad ng Office of the Public Counsel for Victims noong inihain nito ang kasagutan sa request ng dating pangulo.

Umaasa ang abogado na makikita ng ICC Appeals Chamber ang pangamba ng kampo ng mga biktima at tuloy-tuloy pa ring ikulong ang dating pangulo.