Nagpatroliya ang aircraft carrier ng US Navy sa West Philippine Sea nitong araw ng Miyerkules, Hulyo 2.
Ito ay ang USS George Washington na isang Nimitz-class nuclear-powered aircraft carrier na may kapasidad na magsakay ng tinatayang 90 aircraft at mahigit 6,000 crewmembers. May kapasidad din ang super carrier na maglayag ng mahigit 3 million nautical miles bago mag-refuel.
Dito, binigyang diin ni USS George Washington commanding officer Captain Timothy Waitts ang papel ng naturang barko para sa pagpapanatili ng bukas at malayang Indo-Pacific region sa gitna ng agresyon ng China sa naturang karagatan.
Inalala din ng US Navy official ang mahalagang papel ng barko sa pagpapatupad ng matagal ng partnership sa pagitan ng Amerika at Pilipinas sa pamamagitan ng mga serye ng humanitarian, military at community-based engagement.
Kabilang na dito ang pagbibigay ng naturang aircraft carrier kasama ang strike group nito ng humanitarian assistance at disaster relief matapos nanalasa ang bagyong Yolanda, isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas noong 2013.
Inobserbahan naman ng piling media ang mga naging aktibidad ng naturang warship. Dito, natunghayan ang advanced combat at flight capabilities ng barko.
Ipinalamalas din ng USS George Washington ang papel nito sa pagsuporta sa mga pagsisikap ng Amerika at kaalyado nito para sa seguridad at katatagan sa rehiyon. Nakilahok din sa aktibidad ang mahigit 200 Filipino-American navy personnel.
Kasama din ng USS George Washington ang iba pang parte ng strike group ships bagamat tumanggi ang commanding officer na tukuyin ang iba pang US assets na nagsagawa ng flight operations sa WPS.
Ang paglalayag naman ng naturang US carrier aircraft sa Pilipinas ay parte ng Western Pacific patrol mission nito para mapanatili ang stability sa rehiyon.