-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations, sa pamumuno ni Rep. Mikaela Suansing, ang substitute bill na magsasabatas sa Presidential Merit Scholarship Program (PMSP).

Ang nasabing panukala ay prayoridad sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pinagsama ang walong panukala, kabilang ang House Bill No. 5763 na pangunahing inakda ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez kasama ang TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre. 

Si Acidre ang nag sponsor ng panukala bilang Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education.

Nag-ugat ang programa sa 2025 State of the Nation Address ng Pangulo kung saan inanunsyo ang merit-based scholarship para sa mga senior high school graduates na may pinakamataas na karangalan. 

Para sa Academic Year 2026–2027, naglaan ang Commission on Higher Education (CHED) ng mahigit ₱600 milyon upang makinabang ang tinatayang 20,000 magtatapos sa ilalim ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship.

Layunin ng panukala na matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng programa sa pamamagitan ng isang matatag na legal na balangkas para sa merit-based support sa mga pampubliko at pribadong institusyon ng mas mataas na edukasyon.

Sa ilalim ng panukalang batas, ilalagay ang programa sa ilalim ng CHED at magbibigay ng komprehensibong tulong pinansyal kabilang ang libreng matrikula at iba pang bayarin, allowance para sa libro, kagamitan at internet, uniporme o clothing allowance, dormitoryo o transportasyon, at iba pang gastusing pangkabuhayan.

Iminungkahi ng komite ang pag-amyenda sa transitory provision upang maiwasan ang dobleng benepisyo ng scholarship sa parehong panahon. 

Inirekomenda rin ang pagtaas ng taunang grant mula ₱20,000 tungong ₱90,000 para sa mga iskolar sa pribadong institusyon at ₱45,000 para sa mga nasa pampublikong paaralan.

Ang pondo para sa unang taon ng implementasyon ay kukunin mula sa kasalukuyang appropriations ng CHED, habang ang susunod na pondo ay isasama sa taunang General Appropriations Act.

Nakatakda nang isalang sa plenaryo ang panukala para sa karagdagang deliberasyon.