Kinumpirma ng Malacañang nitong Miyerkules na si Vice President Sara Duterte ay humiling ng pahintulot mula sa Office of the President para makabiyahe ito sa limang bansa mula Abril 23 hanggang Mayo 15.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, humiling si Bise Presidente ng travel authority upang bumisita sa Netherlands, South Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom.
Kinumpirma rin ni Recto na naglabas ang Office of the President ng dokumentong may petsang Abril 22 na nag-aapruba sa request ni Sara Duterte.
Batay sa naturang dokumento, ang biyahe ay pinapayagan habang siya ay nasa leave of absence at walang gagastusin mula sa gobyerno.
Nakasaad din na pinapalitan ng bagong travel authority ang anumang naunang personal na biyahe, ibig sabihin kung may dati nang travel permit o authority na inisyu para sa parehong biyahe o lugar, hindi na iyon valid kung may bagong dokumento.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng Malacañang ang kopya ng nasabing dokumento.















