Ipinauubaya na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos ang magiging resulta sa nakatakdang pagbababa ng hatol ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ngayong Miyerkules, Abril 22 hinggil sa hurisdiksiyon ng korte sa kaniyang kaso, ayon sa kaniyang bunsong anak na si Veronica “Kitty” Duterte.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands matapos dalawin si FPRRD noong Abril 20, sinabi ni Kitty Duterte na kumakapit sila sa pananampalataya at ipinapasa-Diyos ng former president ang magiging resulta dahil sa huli wala na ito sa kanilang kontrol.
Ibinahagi rin niya na nasa matatag na kondisyon ang dating pangulo at mas naka-adjust na sa kanyang sitwasyon habang hinihintay ang mga susunod na kaganapan sa kanyang kaso sa ICC.
Maayos din aniya ang pisikal na kalagayan ng kanyang ama, kumakain nang sapat at nasa pangangalaga ng kanyang legal team, bagamat aminado itong nakakaramdam ng kalungkutan paminsan-minsan ang dating Pangulo.
Ibinahagi rin niya ang mensahe ng dating pangulo na “at least hindi nila siya ikakahiya dahil wala siyang ginawang masama,” habang tiniyak naman ni Veronica sa dating Pangulo na ipinagmamalaki siya ng kaniyang mga anak.
Pinasalamatan din niya ang mga sumusuporta sa kanilang pamilya sa gitna ng mga ibinabatong isyu, kabilang ang mga kritisismo sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Sa naging pagdalaw naman ni Kitty Duterte nitong Martes, Abril 21, ibinahagi niya ang ipinaabot na mensahe ng dating Pangulo sa kaniyang mga tagasuporta na siya ay “Invictus,” salitang Latin na ibig sabihin ay unconquered o undefeated.
Nahaharap ang dating Pangulo sa tatlong bilang ng crimes against humanity sa ICC kaugnay ng umano’y hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018 sa kampaniya kontra iligal na droga noong siya ay namuno bilang Alkalde ng Davao at bilang Pangulo ng Pilipinas.
















