Napadalhan na ng House Justice Committee ng subpoena si dating Sen. Antonio Trillanes IV para sa kaniyang pagdalo sa nakatakdang pagdinig bukas, April 22, 2026.
Batay sa nilalaman ng subpoena, pinapadala sa senador ang orihinal o certified true copy ng mga dokumento na naglalaman ng kaniyang mga alegasyon laban kay VP Sara Duterte tulad ng di-maipaliwanag na kayamanan na umano’y hindi nakalagay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.
Ang pagpapadalo kay Trillanes sa naturang pagdinig ay upang tumestigo siya ukol sa umano’y joint bank accounts nina dating Pang. Rodrigo Duterte at ng kaniyang anak na si VP Sara.
Ang mga naturang account ay naglalaman umano ng daan-daang milyon o ilang bilyong piso na naideposito o nai-transfer sa loob ng ilang taon.
Inaasahang magsasabay sina Trillanes at mga kinatawan ng Office of the Ombudsman, Anti-Money Laundering Council, Securities and Exchange Commission, at ang Bureau Of Internal Revenue sa pagharap sa komite bukas, April 22. (Report by Bombo Genesis)
















