-- Advertisements --

Ipinahayag ni U.S. President Donald Trump na umano’y pumayag ang Iran na huwag ituloy ang pagbitay sa walong babaeng raliyista, matapos umano niyang hilingin at bilang respeto narin umano sa kanya na Pangulo ng Estados Unidos.

Ayon kay Trump, apat sa mga kababaihan ay palalayain agad habang apat naman ang makukulong ng isang buwan.

Tinawag niya itong “Very good news” at iginiit na dahil ito sa kanyang pakiusap kaya hindi natuloy ang planong pagbitay.

Gayunpaman, pinasinungalingan naman ng mga awtoridad sa Iran ang pahayag ni Trump.

Ayon sa Iranian judiciary news agency na Mizan News Agency, walang nakatakdang planong pagbitay sa nasabing mga kababaihan at sinabi nilang gawa-gawa lamang umano ito ng Amerika.

Giit pa ng Iran, ginagamit lamang ni Trump ang isyu upang magpakitang-gilas at ilihis ang atensyon mula sa mga usapin sa digmaan at tensyon sa rehiyon, kabilang ang isyu sa Strait of Hormuz.

Ayon sa Iran, may ilang bilang ng mga babaeng inaresto ang nakalaya na, habang ang iba naman ay nahaharap sa kaso na maaaring magresulta sa pagkakakulong ngunit hindi sa parusang kamatayan.

Wala pang opisyal na pahayag mula sa White House at Iranian Foreign Ministry kaugnay ng isyu.