-- Advertisements --

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naharang sa border ng Germany ang dating Ako Bicol Part-List Rep. Zaldy Co matapos siyang makapasok mula sa Czech Republic.

Ibinalik umano siya sa mga awtoridad ng Czech at kasalukuyang nasa kustodiya.

Sinabi pa ng Pangulo na patuloy ang koordinasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa Czech authorities at sa Department of Foreign Affairs upang mapabilis ang proseso ng posibleng deportation ni Co pabalik sa bansa.

Ayon naman kay Interior Secretary Jonvic Remulla, inaresto si Co sa Prague dahil sa umano’y pagbiyahe nang ‘walang tamang travel documents matapos kanselahin ang kanyang Philippine passport at napaulat din na bigo siyang maipakita ang kaniyang Portuguese passport.

Bukod dito nasa maayos na kalagayan naman daw ang dating Kongresista at patuloy din ang pakikipag-ugnayan para sa kanyang posibleng pag-uwi sa Pilipinas.

Si Co ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y substandard na P289 million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Una nang itinanggi ni Co ang mga alegasyon na nakatanggap siya ng mga kickback mula sa ghost flood control projects gaya ng sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara sa Senate inquiry.

Maalalang nagbitiw siya sa Kongreso noong Setyembre 29, 2025 matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya at iba pang opisyal.

Noong Marso ng taong ito nang panindigan ng Sandiganbayan ang deklarasyon nito na si Co ay isang “fugitive from justice.”