Bumida sa kauna-unahang pagkakataon ang pinakabagong guided missile frigate ng bansa sa kakatapos lamang na joint exercises sa West Philippine Sea, kasama ang pwersa ng Estados Unidos at Australia.
Pormal nang isinama sa operational maneuvers ang BRP Diego Silang (FFG-07), isang Malvar-class frigate, sa katatapos na ika-14 na Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA).
Isinagawa ang naturang pagsasanay sa loob ng itinalagang exercise box sa karagatang sakop ng Pilipinas mula Pebrero 15 hanggang 16, 2026.
Bukod sa naturang barko, ipinamalas din ng Pilipinas ang kapabilidad nito sa pamamagitan ng paglahok ng FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force at ng BRP Teresa Magbanua, ang pinakamodernong barko ng Philippine Coast Guard (PCG).
Nakipagsabayan ang mga asset ng Pilipinas sa mga warship ng mga kaalyadong bansa.
Kabilang dito ang USS Dewey (DDG-105) ng US Indo-Pacific Command at ang HMAS Toowoomba ng Australian Defence Force.
Kapwa nagpadala rin ng kani-kanilang P-8A Poseidon aircraft ang dalawang bansa para sa naturang aktibidad.
Sa loob ng dalawang araw na pagsasanay, nagsagawa ang tatlong bansa ng iba’t ibang complex drills.
Kabilang dito ang communication exercises, division tactics, maritime domain awareness events, at ang replenishment at sea.
Ang Multilateral Maritime Cooperative Activity ay regular na aktibidad na naglalayong paigtingin ang interoperability ng tatlong hukbo at itaguyod ang kalayaan sa paglalayag alinsunod sa international law.
















