Nagpositibo sa E.coli at Salmonella ang P14 million na halaga ng smuggled o ipinuslit na sibuyas mula sa China.
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Ted Herbosa kasunod ng isinagawang inspeksiyon kahapon ng mga opisyal ng Bureau of Customs kasama ang DOH, Food and Drugs Administration at Department of Agriculture sa mga misdeclared agricultural product na nasamsam sa mga nakalipas na buwan.
Ayon sa kalihim ang smuggled na pagkain ay banta sa kalusugan ng mga Pilipino dahil maaaring kontaminado ang mga ito ng mikrobyong maaaring humantong sa pagkamatay. Kayat ipinunto ng kalihim na may isyu sa food safety ang smuggled food items.
Nagmula ang mga kargamento sa China na dumating sa Pilipnas noong Mayo 27 at Hunyo 1 ng kasalukuyang taon at idineklara bilang assorted food items gaya ng itlog, noodles at kimchi.
Subalit nang isagawa na ang inspeksiyon sa mga kargamento noong Hunyo 10, nadiskubre sa containers ang pulang mga sibuyas, puting sibuyas at frozen mackerel na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P34 million.