-- Advertisements --

Ibinunyag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na nag-iwan siya ng bilin sa ilang tao na isapubliko ang lahat ng kanyang mga file sakaling may masamang mangyari sa kanya.

Ginawa ni Leviste ang pahayag noong bisperas ng Pasko, ilang oras matapos niyang ilantad sa publiko ang 19-pahinang listahan ng mga proponent ng Department of Public Works and Highways (DPWH) projects sa ilalim ng P6.326-trilyong 2025 national budget. Bagama’t walang tinukoy na partikular na insertions ng mga mambabatas, ipinakita sa listahan ang milyun-milyong “allocable” na halaga na maaaring ilaan ng bawat kongresista taun-taon.

Sinabi ni Leviste na kahit Pasko ay napag-usapan pa rin nila ng kanyang ina, si Senador Loren Legarda, ang kanyang trabaho. Ayon sa kanya, pinaalalahanan niya ang kanyang ina sa kanyang direktiba na kung may mangyari sa kanya, dapat ilabas ang lahat ng iniwang dokumento at ipagpatuloy ang pagsisiwalat ng impormasyon.

Hindi pinangalanan ng 32-anyos na mambabatas ang mga taong kanyang pinagbilinan. Kaugnay nito, binanggit din niya ang pagpanaw kamakailan ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na umano’y pinagmulan ng listahan, matapos mahulog sa bangin sa Benguet, isang insidente na kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Sa isang panayam kamakailan, kinumpirma rin ni Leviste na pinalakas niya ang kanyang security detail.