Umapela si former Department of Justice Secretary Atty. Vitaliano Aguirre II sa Kataas-taasang Hukuman na tingnan o suriin nito ang proseso sa pagkilala ng ‘extradition’ mula sa dayuhang korte o partikular sa International Criminal Court.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa dating kalihim, kanyang ibinahagi ang apela hindi lamang sa International Tribunal kundi maging sa Korte Suprema ng bansa.
Aniya’y mayroon inilabas kamakailan ang Kataas-taasang Hukuman naglalahad ng panuntunan ukol sa pagdinig ng mga kahilingan para ipadala ang isang indibidwal tungo sa ibang bansa.
Naniniwala si former Justice Secretary Aguirre II na masusunod ang implementasyon ng ‘Rules on Extradition Proceedings’ na inilabas ng Korte Suprema.
Nakasaad kasi rito na bago tuluyang ma-extradite ang isang akusado o inidibidwal na may ‘warrant of arrest’ sa isang ‘requesting state’ ay kinakailangan pa munang dumaan sa ‘judicial process’ o sa korte ng bansa.
Kung kaya’t hiling ni former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Kataas-taasang Hukuman na bigyang linaw nito lalo na patungkol sa kaso o isyu sa Internatonal Criminal Court.
Giit niya’y dito mas maipaiintindi sa mga inaakusahan kung ano ang karapatan nila bilang mga Pilipino nais maipa-extradite tungo sa ibang bansa.
Si Atty. Vitaliano Aguirre II ay nagsilbi bilang dating kalihim ng Department of Justice sa ilalim ng nakaraang administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Isa siya sa walong pinangalanan ng International Criminal Court bilang co-perpetrators ng dating pangulo sa kasong ‘crimes against humanity’.
Bukod sa kanya, kabilang rito sina Sen. Bong Go, Sen. Bato Dela Rosa, former National Capital Region Police Chief Oscar Albayalde at iba pa.
Sa kabila nito, mariing itinanggi ni former Justice Secretary Aguirre II na siya’y kaisa sa pagpapatupad ng ‘war on drugs’ ni Duterte.















