Hawak na ng Makati Prosecutors Office ang mga reklamong inihain ng mga otoridad laban sa binansagang “Poblacion girl.”
Kasong paglabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Communicable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Kabilang sa mga kinasuhan si Gwyneth Chua at mga magulang nito.
Damay din sa reklamo ang limang staff ng Berjaya hotel na sinasabing nagkaroon ng kapabayaan kaya nakalabas sa quarantine facility ang returning Filipino na si Chua.
Nangyari umano ang mga paglabag noong holiday season, kung saan ilang larawan at video pa ang kumalat, kung saan kabilang ang suspek sa mga nakita sa labas ng hotel.
Batay sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF), obligado ang mga dumarating sa Pilipinas na tapusin ang 10 araw na quarantine, kasama na ang pagsasailalim sa COVID-19 testing.
Pero sa kaso ng dalaga, lumabas umano ito sa kaniyang quarantine sa kalagitnaan dapat ng pananatili nito sa isolation area.
Ang masaklap, nagpositibo siya sa test, ganun din ang 11 nakahalubilo nito sa mga pinuntahang lugar.