Iniulat ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Comm. Jay Tariela na tuluyan nang nakalabas sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Chinese research vessel na ilang beses na nasilayan sa northern seaboard ng Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, ngayong araw ay nananatili sa labas ng EEZ ang research vessel Xiang Yang Hong 05 kasunod na rin ng serye ng paghamon na ginawa ng PCG.
Ayon kay Tarriela, hindi ito ang unang pagkakataon na pumasok sa Philippine waters ang isang Xiang Yang HOng-type vessel.
Sa katunayan aniya, dalawang beses na itong namonitor ng PCG na makapasok sa teritoryo ng bansa ngayong taon, habang ang iba pang Xiang Yang HOng-type vessel ay dati na ring natukoy na pumasok sa mga katubigan ng Pilipinas.
Giit ni Tarriela, tuloy-tuloy nitong babantayan ang naturang barko, habang naa labas ng EEZ ng Pilipinas.
Katwiran ng PCG official, nakababahala ang ginagawa nilang pagsasaliksik sa loob ng EEZ dahil marami ang mga maaari nilang isagawa rito.
Kabilang dito ang pag-map out sa seabed at sa mga pangunahing maritime territory ng Pilipinas, kasama na ang posibleng paggalaw sa mga undersea cable ng bansa na nasa bisinidad ng barko.
Nanindigan si Tarriela na makatwiran ang naging reaksyon ng coast guard, kasama na ang pagpapakita nito ng pagka-alarma sa presensiya ng Chinese vessel.
Aniya, tanging ang Pilipinas ang may karapatan na maggalugad at magsagawa ng research o pag-aaral sa teritoryo nito; tungkulin din ng pamahalaan na masigurong walang nangyayaring iligal sa palibot ng bansa.