-- Advertisements --

Inihayag ni US President Donald Trump na sunod sa kaniyang agenda ang Cuba matapos ang Iran.

Hula ng US President na malapit nang mapabagsak ang aniya’y communist-run island, na napalumpo ng energy blockade ng Amerika.

Matatandaan kasi, simula pa noong Enero 9, hindi na nakatanggap ang Cuban state ng oil shipment, na nagpwersa sa mga airline na suspendihin ang flights sa isla at nagpalala pa sa matagal ng krisis sa kanilang ekonomiya.

Inakusahan naman ng Cuba si Trump ng pagnanais na ipitin ang ekonomiya ng isla.

Sinabi ni Trump sa isang panayam sa kaniya, isang araw matapos ipahiwatig na kaniyang isusunod ang isang “hindi tinukoy na proyekto” para sa Cuba pagkatapos ng digmaan laban sa Iran, na desperado umano ang Cuban government na magkaroon ng kasunduan sa US.

Ipinaliwanag naman ni Trump na si US Secretary of State Marco Rubio ang kaniyang magiging “point man” sa Cuba.

Sina Trump at Rubio, ay parehong anak ng Cuban immigrants, na hayagang inihahayag ang pagnanais na mapalitan ang rehimen sa Cuba kasunod ng kanilang pagpapatalsik sa kalaban ng US sa Carribean, na si Venezuelan President Nicholas Maduro.

Maaalala naman na namagitan noon ang Simbahang Katolika bilang mediator sa pagitan ng US at Cuban Government, kung saan nananawagan si Pope Francis ng pagpapatuloy ng diplomatic relations sa US sa ilalim noon ni dating US President Barack Obama noong 2015. Gayundin, nakipagnegosasyon ang Vatican para magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Cuba at ni daing US President Joe Biden, kung saan pinalaya ang daan-daang political prisoners kapalit ng pagtanggal sa isla mula sa listahan ng US terror list.

Subalit, sa unang araw ni Trump sa pwesto noong Enero 2025, ibinalik niya ang Cuba sa terror list ng Amerika.