Daan-daang libong manggagawa sa Iran ang nawalan ng trabaho dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Iran laban sa Estados Unidos at Israel na nagsimula noong Pebrero 28, 2026.
Nagdulot ang krisis ng malawakang paghinto ng operasyon sa mga pangunahing industriya, pagbagsak ng ekonomiya, at matinding kahirapan para sa mga ordinaryong Iranian.
Kung saan maraming pabrika, workshops, at service projects ang nagsara o nagbawas ng operasyon, na nagresulta sa pagtatanggal ng mga contract worker at day laborer.
Ang mga pangunahing sektor ng ekonomiya ng Iran, tulad ng petrochemical plants sa Mahshahr at South Pars, pati na ang mga pasilidad ng bakal, ay nakaranas ng matinding pinsala o paghinto ng produksyon dahil sa mga airstrike, kung saan mahigit 30,000 na empleyado sa industriya ng petrochemical ang apektado.
Dahil sa mga paghihigpit din sa internet o internet blackout na ipinatupad mula Pebrero 28, libu-libong freelancer, programmer, at content producer ang nawalan din ng kakayahang magtrabaho.
Bunsod nito, ang digmaan ay nagdulot na ng pagbagsak ng produksyon at inaasahang magpapaliit sa ekonomiya ng higit sa 10%. Base sa mga ulat, ang pinsala sa ekonomiya ay maaaring umabot sa daan-daang bilyong dolyar.
Gayundin, ang pagsasara ng Strait of Hormuz at ang pagkaantala ng mga suplay ng krudo ay nagpapahirap din sa suplay ng mga pangunahing bilihin, na nagpapataas ng presyo at nagpapalala sa sitwasyon ng mga manggagawa.














