Sinuspinde ng Iran ang lahat ng diplomatic channels at indirect communication nito sa Estados Unidos, ilang oras bago ang self-imposed deadline ni U.S. President Donald Trump para muling buksan ng Tehran ang Strait of Hormuz.
Ayon sa Iranian media outlet Tehran Times, isinara ng Iran ang lahat ng linya ng komunikasyon nito, kabilang ang pagpapalitan ng mensahe, sa Amerika.
“Iran has closed all diplomatic and indirect channels of communication with the United States. Any and all message exchanges have also been suspended,” ayon sa ulat ng pahayagan.
Una rito, nagbanta si Trump sa kanyang Truth Social na “A whole civilisation will die tonight, never to be brought back again. I don’t want that to happen, but it probably will.”
Na nagpapakita ng paglala ng relasyon ng US at Iran, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan para sa 1/5 ng pandaigdigang langis sa mundo.
Dagdag ni Trump na ang 47 taon ng tinawag niyang “extortion, corruption and death” ay matatapos na.
Kasunod ng banta ni Trump, naglabas ng pahayag ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran na nagsasabing tapos na ang “good neighborliness and self-restraint,” at maaaring mawalan ng access sa langis at gas ang US at mga kaalyado nito sa rehiyon “for years.”
“We will deal with the infrastructure of the United States and its partners in the Persian Gulf in such a way that they will be deprived of the region’s oil and gas for years,” pahayag ng IRGC.
Ang babala ay sumunod sa iniulat na airstrikes ng Estados Unidos at Israel sa Kharg Island, isang pangunahing oil-export terminal ng Iran sa Persian Gulf, ayon sa state-linked Mehr News Agency.
Tinarget umano sa pag-atake ang radar station, docking facilities, at iba pang military installations ng naturang isla.















