Tiniyak ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi sasantuhin ng House of Representatives ang mga legislators-contractors na sangkot sa mga maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Ridon nakatakdang magkasa ng moto propio investigation ang House Tri Committee kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects ay para tukuyin sino itong mga legislator-contractors ang sangkot sa mga sub standard at mga ghost projects ng sa gayon mapanagot ang mga ito.
Siniguro ni Ridon, walang sisinuhin ang Kamara kahit ito ay kanila pang mga kasamahan.
Una ng inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na wala siyang sisinuhin na mga opisyal na sangkot sa mga maanomalyang proyekto kahit pa ito ay kaalyado niya.
Binigyang-diin ni Ridon na hindi dapat sumasali sa mga kontrata ng gobyerno infrastructure projects man o hindi ang isang miyembo ng Kongreso dahil malinaw malinaw ito sa batas partikular sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Paglilinaw pa ni Ridon na kapag napatunayang pumasok sa isang kontrata ang isang mambabatas malaki ang kahaharapin nitong problema.
Hinamon naman ni Ridon sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Senator Ping Lacson pangalanan ang mga kongresista na mga contractors na umano’y sangkot sa mga palpak at ghost flood control projects.
Nilinaw naman ni Ridon na wala silang listahan ng mga legislator-contractors kayat inaasahan niya na sa pagdinig ay maisisiwalat na ito.
Giit ng Kongresista, ang nakatakdang pagdinig ng Tricom ay magandang venue upang linawin ang isyu lalo at ilang mambabatas ang inaakusahan na nakinabang sa bilyung halaga ng mga proyekto.
Siniguro nito na bibigyan ng due process ang mga Legislator- contractors na matutukoy na sangkot sa mga sub standard at ghost flood control projects.
Ang Tricom ay binubuo ng Committee on Public Accounts, Public Works at Good Government Committee.
Pagtiyak naman ni Ridon na kanilang imbitahan sa pagdinig si Mayor Magalong.