-- Advertisements --

Patuloy na umaasa ang Makabayan bloc na diringgin ng Kataastaasang Hukuman ang kanilang inihaing mosyon hinggil sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Kahit pa ‘unanimous decision’ o nagkakaisang boto ang kinalabasan sa botohan ng mahistrado, umaasa pa rin ang naturang grupo na magkakaroon ng ‘reversal’ sa kanilang desisyon.

Naniniwala ang grupong Makabayan na posible itong mangyari at tuluyang baliktarin ng Korte Suprema ang inilabas nitong deklarasyon.

Sa kanilang inihain ‘joint motion for reconsideration’ at ‘motion to intervene’, layon nitong maiparekunsidera sa Kataastaasang Hukuman ang idineklarang ‘articles of impeachment’ bilang ‘unconstitutional’.

Kaya’t inihayag ni Former ACT Teachers Party-list Representative France Castro na umaasa silang diringgin ito ng Korte Suprema.

Habang ganito rin ang nais mangyari ng kasamang naghain ng mosyon na si Kabataan Party-list Representative Renee Co.

Giit niya’y dapat mapag-aralang muli ang naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa impeachment at maging ang senado ay kanyang hinimok rin na balikan nito ang ginawang pag-archive sa ‘impeachment’ kontra sa ikalawang Pangulo.

Bagama’t may mga naunang naghain na ng kaparehong mosyon, naniniwala ang naturang grupo na ito’y makatutulong upang mapansin ito ng Korte Suprema.

Anila’y ipinapakita lamang raw nito mayroong hinaing ang publiko hinggil sa naturang isyu.