Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na manatiling mapagmatyag sa gitna ng patuloy na pagdami ng cryptocurrency at online investment scams, matapos maitala ang daan-daang kaso noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., dapat mag-ingat ang mga Pilipino sa mga online platform na nangangako ng hindi makatotohanang tubo.
Batay sa datos ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), umabot sa 311 investment scam cases ang naitala mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2025. Sa bilang na ito, 12 kaso ang may kaugnayan sa cryptocurrency schemes.
Ipinapakita sa mga ulat na karaniwang inaakit ng mga scammer ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pangakong mas mataas na kita, at sa ilang pagkakataon ay pinapayagan pa ang paunang withdrawal upang makuha ang tiwala ng mga ito.
Kalaunan, hinihikayat ang mga biktima na mag-recruit ng iba bago tuluyang i-block ang access sa kanilang mga account, na nagreresulta sa malaking pagkalugi.
Nagbabala rin si Nartatez na hindi lamang pera ang nalalagay sa panganib, kundi pati ang personal na seguridad ng mga biktima.
Sa huli pinayuhan ng PNP ang publiko na i-verify ang mga investment platform, iwasan ang mga alok na may garantisadong mataas na kita, at huwag kailanman magbahagi ng personal na banking o account details online.
















