Pumanaw na ang 18-anyos na si alyas Leo, na bumaril sa umano’y dating kasintahan sa loob ng Sta. Rosa Integraded School kahapon, Agosto 7.
Kinumpirma ng isang kaanak ni Leo sa isang pahayag ngayong araw ng Biyernes, Agosto 8, na binawiaan na umano ang binatilyo ng buhay matapos magtamo ng matinding sugat sa ulo dahil sa pagbaril sa sarili, ilang sandali matapos na barilin ang 15-anyos na si alyas Lea.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente sa mismong silid-aralan ni Lea. Tinamaan ito ng bala sa leeg at agad na isinugod sa isang ospital sa Cabanatuan City, kung saan patuloy parin itong inoobserbahan at nanatiling kritikal ang kondisyon.
Nanawagan naman ang pamilya ni Lea ng tulong pinansyal para sa operasyon at patuloy na gamutan ng dalagita.
Sa magkahiwalay na post sa social media ibinahagi ng mga kaanak na patuloy na lumalaban ang biktima sa kabila ng tinamo nitong pinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente at sa motibo ng krimen.
Samantala sa magkahiwalay na pahayag, parehong kinondena ng DepEd Central Office at Schools Division Office (SDO) ng Nueva Ecija ang karahasan.
Habang pinaigting naman ang seguridad sa paaralan at nakikipag-ugnayan narin ang SDO sa pulisya para sa masusing imbestigasyon.
Naglaan na rin ng psychosocial support at stress debriefing para sa mga mag-aaral at guro na apektado ng insidente.