-- Advertisements --

Suportado ng Malacañang ang pagsasagawa ng malawakang konsultasyon kaugnay ng panukala ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang trimester system mula Kindergarten hanggang Grade 12.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling panukala pa lamang ang pagbabago at kasalukuyang inilalatag ng DepEd ang mga posibleng benepisyo nito.

Sinabi ni Castro na mahalagang mapag-usapan ito ng lahat ng stakeholders at interesadong sektor upang matukoy ang pinakamainam na programa para sa mga mag-aaral. Binigyang-diin din niya na kinakailangan pa ng mas masusing pag-aaral bago ito tuluyang ipatupad.

Batay sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na makatutulong ang trimester system sa pagbibigay ng mas mahaba at mas flexible na panahon ng pagtuturo, pagpapagaan ng workload ng mga guro, at pagpapataas ng kalidad ng edukasyon.

Sa ilalim ng panukala, hahatiin sa tatlong academic term ang school year upang magkaroon ng mas mahabang tuloy-tuloy na pagtuturo at mas maayos na pacing ng mga aralin.