Mariing kinondena ni Vice President Sara Duterte ang nangyaring pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18, na aniya ay ikatlong school shooting na naitala sa bansa ngayong taon.
Sa kanyang pahayag na inilabas ngayong araw, Setyembre 21, sinabi ni Duterte na ang ganitong uri ng karahasan ay nagpapakita ng panganib na maaaring harapin ng mga estudyante habang nasa paaralan.
Ayon sa bise presidente, dapat maging ligtas at payapa ang mga paaralan para sa mga bata, ngunit sinabi niyang patuloy na nanganganib ang mga kabataan dahil sa umano’y kakulangan ng aksyon ng pamahalaan.
Iniuugnay rin ni Duterte ang insidente sa mas malawak na kalagayan ng pamamahala sa bansa. Iginiit niyang sa halip na ituon ang pansin sa pangunahing tungkulin ng gobyerno, kabilang ang seguridad at kapakanan ng mga Pilipino, mas nakatuon umano ang administrasyon sa political consolidation.
“The Marcos administration has failed the victims and survivors of the South Cotabato tragedy,” ayon kay Duterte.
Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga biktima ng naturang insidente ang dapat alalahanin dahil marami pang batang Pilipino ang maaari umanong malagay sa panganib.
Sa huli, iginiit ng bise presidente na nararapat lamang umanong magkaroon ang bansa ng mas mahusay na pamumuno.
“We deserve better leadership than this,” pahayag ni Duterte.















