Mariing nilinaw ng Department of Education (DepEd) na nananatiling under review at wala pang pinal na desisyon ang panukalang paglipat sa trimester system sa mga paaralan sa bansa.
Ito ang naging tugon ng kagawaran sa gitna ng lumalakas na agam-agam at mga katanungan mula sa mga mambabatas, grupo ng mga guro, at iba pang education stakeholders.
Sa inilabas na pahayag, iginiit ng ahensya na patuloy pa ang kanilang isinasagawang malalimang pag-aaral at serye ng konsultasyon hinggil sa nasabing academic calendar reform.
Una nang umani ng batikos ang panukala kung saan kinuwestyon ng ilang sektor ang kahandaan ng sistema.
Partikular na puntong ibinabato ng mga kritiko ay kung paano mareresolba ng pagpapalit ng sistema ang mga dati nang problema gaya ng kakulangan sa mga silid-aralan at ang mabigat na workload ng mga guro.
Kinilala naman ng DepEd ang mga nasabing sentimyento.
Ayon sa ahensya, batid nila ang pangangailangan sa mga structural reform at ang pagtugon sa mga systemic issues, kabilang na ang kapakanan ng mga teaching personnel.
Paliwanag ng kagawaran, ang orihinal na layunin ng trimester scheme ay upang i-streamline o gawing simple ang academic planning, i-optimize ang instructional time, at pagaanin ang pressure sa mga guro.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na tiyak na timeline ang DepEd kung kailan ilalabas ang resulta ng kanilang pag-aaral o kung kailan magkakaroon ng pinal na hatol sa nasabing usapin.















