-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers – Philippines ang napipintong agarang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng trimestral system para sa School Year 2026-2027.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng nasabing grupo, sinabi nito na nagkaroon sila ng survey sa mga guro kung saan, natuklasan na hindi dumaan sa masusing konsultasyon ang nasabing plano.

Binigyang-diin nito na hindi sila tumututol sa anumang nais na ipatupad na reporma sa sektor ng edukasyon ngunit ang pinangangambahan dito ay magkakaroon ng malaking adjustment mula sa grading system, paperworks at maraming iba pa.

Kung nais aniya ng pamahalaan na masolusyunan ang krisis sa edukasyon, hindi ang pagbabago sa school calendar ang sagot dito kundi kailangan ang dagdag na teaching at non-teaching personnel, classrooms at ang buong suporta para sa mga guro.

Nararapat umanong mabusisi ito ng husto at mapag-usapan ng mabuti kung nais talaga ang reporma bago ipatupad.

Maalalang inihayag ng DepEd na pinag-aaralan na nila ang pagpapatupad ng trimestral system bilang bahagi ng “holistic approach” sa mas balanseng time management ng mga mag-aaral at mas maayos na pagtuturo ng mga guro.