Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit din nilang ipapatupad ang kanilang mga counter-intelligence measures at efforts laban yan sa mga posibleng foreign-backed espionage activities sa loob ng kanilang organisasyon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mayroon na silang mga ginagawang mga hakbangin upang matiyak na ang lahat ng impormasyon na mayroong kaugnayan sa kanilang mga operasyon para sa pagpapatupad ng peace and order at pambansang seguridad ay pinoprotektahan.
Aniya, ginagawa na ng pulisya ang kanilang makakaya upang matiyak na protektado at hindi mapapasok ng kahit anumang foreign interference o recruitment ang kanilang organisasyon.
Kasunod nito, maituturing din aniya bilang isang wake-up call sa publiko ang kamakailang pagkakasangkot ng tatlong Pilipino sa espionage activities kaya naman sinabi rin ni Nartatez na dapat mas maging mapagmatyag at mas maingat ang lahat upang mapanatili ang propesyunalismo sa loob ng institusyon at mapanatili rin ang katapatan sa bansa at sa mga mamayan nito.
Samantala, tiniyak naman ni Nartatez na patuloy lamang ang Pambansang Pulisya sa pakikipagugnayan sa National Security Council (NSC) para sa mas mabisa at epektibong intelligence sharing sa loob ng bawat ahensya.















