-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang planong pagtatayo ng mga underground water detention tanks sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila bilang bahagi ng hakbang laban sa patuloy na pagbaha sa rehiyon.

Ayon sa MMDA, ang mga tangkeng ito ay magsisilbing imbakan ng tubig-ulan na maaaring gamitin muli sa ibang bagay, katulad ng panlinis ng kalsada o pananim. Layunin nitong bawasan ang biglaang pag-apaw ng tubig sa mga lansangan tuwing malalakas na pag-ulan.

Uunahing itayo ngayong taon ang water detention tank sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City. Kabilang pa sa mga lugar na pagtatayuan ng kaparehong pasilidad ang Liwasang Bonifacio, Rajah Sulayman Park, Remedios Circle, at University of Santo Tomas (UST).

Bahagi ito ng mas malawak na flood control program ng MMDA at DPWH para sa Metro Manila.

Samantala, mas pinaigting ng MMDA ang kampanya kontra baha sa Metro Manila sa pamamagitan ng sabayang paglilinis ng estero at pagproseso ng basura bilang bahagi ng tugon sa epekto ng climate change.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, malaki ang papel ng solid waste management sa flood control. Aniya, ang mga baradong estero ay bunga ng kakulangan sa disiplina sa pagtatapon ng basura.

Kaugnay nito, nagsimula na ang rehabilitasyon sa 23 pangunahing estero gamit ang bagong desilting equipment ng MMDA. Layunin ng ahensya na regular itong mapanatiling malinis, habang mino-monitor din ang natitirang 250 daluyan sa NCR.