-- Advertisements --

Pauwi na ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang limang araw na state visit sa India. Bitbit ng Pangulo ang halos $500 million na halaga ng direct investment pledges.

Bago umuwi, nakipag pulong pa ang Pangulo sa ilang malalaking kompanya sa Bengaluru, India upang palakasin ang ugnayan sa mga sektor ng teknolohiya, kalusugan, at renewable energy.

Kabilang dito ang Hinduja Group, kung saan tinalakay ang pagpapalawak ng ugnayan sa larangan ng information technology – business process management o IT-BPM. Nasa 22 years nang nag o-operate sa Pilipinas ang Hinduja Global Solutions at kinikilala bilang pioneer sa IT-BPM industry.

Nakipagpulong rin ang Pangulo sa NephroPlus, ang pinakamalaking dialysis network sa Asya. Tinalakay sa pulong ang posibilidad ng pagpapalawak ng abot-kayang renal care sa mas maraming Pilipino, lalo na sa mga underserved communities.

Sa isa pang hiwalay na business meeting, nagpahayag ng interes ang iSON Group na ipagpatuloy ang pamumuhunan sa Pilipinas. Bukod sa digital infrastructure, interesado rin ang grupo na pumasok sa mga sektor ng renewable energy, healthcare, BPO, at insurance.

Nakausap din ng Pangulo ang mga executive ng Tata Group, na may 6,200 empleyado na sa Pilipinas sa ilalim ng Tata Consulting Services. Tinalakay sa pagpupulong ang mga inisyatibo ng kumpanya sa digital transformation at ang kontribusyon nito sa sustainable growth ng bansa.

Samantala, pasado ala-una ng hapon oras sa Pilipinas, nag-take off na ang PR001 na sinasakyan ng Pangulo at ng kanyang delegado mula sa Kempegowda International Airport sa Bengaluru, India at pabalik ng Manila.

Inaasahan mamayang gabi ang pagdating ng Pangulo sa Pilipinas.